Monday, June 23, 2008

kaputol ng isang awit

"Kahapon lamang meron akong nakilala
Babaeng mahilig sa pagkanta
Musika rin daw hilig nya
Pampukaw ng lungkot pagbalik alaala"

Ano nga bat siya'y kakaiba
Dahil alam kong awit alam nya
Nagkataon nga lang ba
Na ang aking awit kaputol nasa kanya"
(sdc)

Minsan sa buhay may makikilala ka na para bang ang tagal mo nang kakilala. Para bang iisa ang takbo ng inyong isip at diwa. Meron rin namang mga tao na matagal mo nang kasama, lagi mong katabi pero parang hanggang ngayon hindi pa rin kayo magkakilala.

Saturday, June 21, 2008

ang tsinelas kong butas

"ang tsinelas kong butas
alaala ng lumipas
kahapong nakabakas
damdaming umaalpas

mga panahong nilalakbay
mga lugar na binabaybay
mga alikabok na ginagabay
sinasariwa't sinasalaysay

ang tsinelas kong butas
tama nga bang ibulalas
bagamat sya ay nakalipas
dala naman nya'y pagbabago ng bukas."

(sdc)

Alam ko na ang tanging maibabahagi ko lang sa ating panahon ay ang aking mga nakaraang karanasan sa buhay. Maihahantulad ko sya sa isang butas ng tsinelas...sa layo ng palalakad, sa putik, sa batuhan, sa alikabok, sa tagal ng palalakbay..naluma at nabutas na ang tsinelas. Bagamat siyay luma at butas na..meron pa rin syang kwento...kwento ng paglalakbay....kwento nga nakalipas...na tanging mapupulot ay ang aral na natutunan sa mga karanasan.

wow talaga ang pinoy....

"ang Pinoy kakaiba talaga
saan man ikumpara
marami man ang problema
parati pa ring nakatawa

ang Pinoy nga talaga
kumakalam man ang tyan at walang pera
marami man ang nakahihigit sa kanya
nakukuha pa rin kumanta

ang Pinoy bibilib ka talaga
saang panig man ng mundo nanduon sya
ang pagkanta bisyo na talaga
kaya nga ang WOW sikat na sikat talaga

ang Pinoy bibilib ka pag kumanta
kahit sabayan daig na daig ang iba
dinadaan ang hinaing sa pagkanta
dito sya naiiba

ang Pinoy Wow talaga
ang WOW partner nya
sa pagkanta ibang iba
tunog at husay di sila uubra

kaya ang Pinoy sa WOW umaasa
sa bisyo nya WOW ang mahalaga
partner na ng buhay pagkanta
kaya sa pagkanta WOW lang ang mahalaga."

(sdc)

Kung paano naging importante ang pagkanta, at pagkanta ng may magandang medium (mic) ay mahalaga. Tama ang wow magicsing ay Pinoy na Pinoy, dahil ang Pinoy lahat dinadaan sa pagkanta. Ang Wow ganun din ibibigay kung ano ang ikasisiya ng Pinoy sa paraan ng pagkanta. sabi nga nila kung may problema..daanin sa pagkanta..kung kakanta..wow ang mahalaga.

Monday, June 16, 2008

tatsulok

"Hindi pula’t dilaw tunay na magkalaban
Ang kulay at tatak ay di syang dahilan
Hangga’t marami ang lugmok sa kahirapan
At ang hustisya ay para lang sa mayaman


Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok
Di matatapos itong gulo
At ang dating munting bukid, ngayo’y sementeryo
Totoy kumilos ka, baliktarin ang tatsulok
Tulad ng dukha, nailagay mo sa tuktok!"


(Tatsulok- Bamboo)
Unang pagkakataon kong narinig ang kantang ito napukaw agad ang natutulog na idiyolohismo sa katawan. Nalala ko tuloy noong minsan tinanong ko ang aking kaibigang si Allan kung ano ba ang ibig sabihin ng "tatsulok o triangle" sa kapatiran. Sabi niya ang tatsulok daw ay simbolo ng monopoly", simbolo ng kasakiman. Kasakiman sa power, kasakiman sa kayamanan. Sabi nya sa tuktok daw ng tatsulok ay ang gobyerno at mayayaman lang ang nakalagay at sinasaklaw ang buong mamamayan na ang karamihan ay mga dukha nating kababayan. Ang nangyayari daw pati kayaman at kasaganaan, gobyerno at mayayaman lang ang nagpapakasasa.
Katulad ni Bamboo, sabi rin ng kaibigan ko- kailangang baliktarin ang tatsulok at ang dukha ang ilagay sa tuktok.

Ang tao...

"Gumawa ng mali ay lalong masama
Ngunit sobrang buti ay hindi rin daw tama
Saan ka papanig sa buti o sama
Na kapwa may pintas at kapwa may pula.

Ang tao ay ganyan sa init ay ayaw
Lamig ang idulot malamig naman daw
Ang lamig at init ang iyong ibigay
Ayaw na pareho iba na ang kailangan.

Ang tao ay ganyan malinaw ang mata
Butas ng palakol ay hindi makita
Uling ng sarili'y hindi pinupuna
Ngunit ang sa iba ang siyang nakikita."

(OSCARMENDEL FEB. 4, 1955)

In memory of my father Oscar san Agustin Del Carmen 1935- 1991)

Madalas iniisip ko bakit nga ba ganito ang tao, masyadong mapanuri ang mata. Masyadong mapagpuna, animoy hindi sila magkakamali. Sabi nga ng dati kong boss sa trabaho- fault finder.
Masyadong magagaling, animoy napaka perpektong kailangang tama lagi. Para bang napakakalinis at hindi makabasag pinggan.
Masyadong mareklamo na parang madalas nagugulangan. At hindi makuntento sa buhay kulang na lang hilinging lahat ng gusto ay masusunod.
Masyadong mapanlait at mapagpintas, animoy walang pangit sa katawan o walang baho na tinatago. Pilipino nga naman.

Ilan lang yata yan sa problema ng ilang Pinoy..ang pagiging maninisi, ang pagiging mapanghusga, pagiging reklamador at mapanlait ng iba.

talang tinatangi...

“Sa panunungkit ko ng tala sa langit
Ano ba’t ang buwan ay sa ki’y lumapit
Kaya’t sa takot kong siya’y magalit
Talang nasungkit ko’y nawala nahagis.

Itong buwan namang may dakilang layon
Ang aking isip napatda natuon
Nag akala na ring baka magkagayon
Magparis sa talang nagpatapon tapon

Nagpatuloy ako ilan pang sandali
Nang maaalala kot biglang nagmadali
Pagkat ang nasa kong talang tinatangi
Ngayon ay wala na sa king pagtatangi.”

(OSCARMENDEL 1955)

In memory of my father- Oscar San Agustin Del Carmen (1935- 1991)

Madalas nga dumadating sa buhay natin ang mga bagay na di inaasahan. Mga bagay na nagsisilbing pagsubok sa ating katatagan, pati sa ating pakikipagrelasyon ay nasusubukan. Minsan akala natin lahat ng bagay pwedeng gawan ng paraan at ng dahilan. Madalas nawawalang bahala ang mga bagay na importante at nasisilaw tayo sa mga bagay na walang kabuluhan. Sabi nga ng isang talata sa isang librong aking nabasa " maaring naging abala tayo sa pamumulot ng bato sa buhanginan at hindi namalayan na ang ang diyamanteng atin ng pagaari ay tuluyan ng nawala." Baka nga, baka nga madalas yung madalas nating kasama, kasama sa hirap at ginhawa ay napagwawalang bahala. Sana naman hindi, sana naman hindi pa huli ang lahat.

umaga ng isang mangagawang Pinoy

Panis na laway maong na kupas
Lumang sapatos at bulsang butas.
Kapeng malinaw at kaning lipas
Trapik sa kalsada, wala ng kakupas kupas.

Buhay ni Juan ganyan kamalas
Isang buwang kayod para sa konting bigas.
Kakarampot na umento subalit lahat ay tumataas
Tatlong kahig isang tuka ganyan ang Pinas.
(sdc08)

Ganyan nga yata ang buhay ng halos lahat ng Pinoy ngayon. Kung noon isang kahig isang tuka, ngayon: tatlong kahig bago tumuka! Ganyan na nga kahirap, sobrang sikip na ng sinturon ni Juan.

Ganun pa man, si Juan isa pa ring masayahing nilalang. Si Juan malakas pa rin ang paniwala na may kasamang pag asa ang bukas

Sunday, June 15, 2008

Kung sakali....(habilin))

Kung sakali ako ay papanaw
Buhay ko'y makitil at biglang mamatay
Bangkay ko'y huwag na sanang ilalagay
sa isang ataul na lubhang maringal.

Lamang sana'y huwag ninyong lilimutan
Ititik ng buo ang aking pangalan
Sa ilalaim nito ay isulat naman
Ang katagang akin ngayon ay tuturan:

" AKO AY NAMATAY NG DI KO NAKITA
ANG KINABUKASANG NAIS MATAMASA
ANG KALIGAYAHANG AKING PINIPITA
TAGUMPAY, ALIW, TUWA AT LIGAYA."

(OSCARMENDEL 5/31/1955)
In memory of my father- Oscar San Agustin Del Carmen 12/17/35- 08/28/1990.

Ilan sa mga sinulat ng aking ama -Oscar San Agustin Del Carmen, siya ay namatay noong Sept. 28, 1991. Maituturing kong isang tula na paghihinagpis dahil ang kanyang kamay ay nakatali sa kahirapan subalit wala syang magawa.

diretso lang at wag liliko...

"saan ka ba pupunta aking kaibigan
naiplano mo ba ang iyong kalalagyan
inayos mo ba ang iyong daraanan
o katulad ka rin ng iba na bahala na lang!"
(sdc08)

Minsang paglalakad namin ng tatay sa may Maynila- sa kahabaan ng Avenida, napansin ko ang kabayo na humihila ng karitela. Napansin ko ang takip sa gilid ng mata ng kabayo. Agad kong tinanong ang tatay ko kung para sa ano yun at bakit ganun. And sabi ng tatay ko
" Iyang takip na yan ay para diretso lang ang lakad ng kabayo, para dun lang sya pupunta sa dapat nilang puntahan ng kutsero. Para hindi lumihis ng daan at hindi maligaw. Para hindi masilaw at maakit ng mga nakapaligid sa kanya o sa daraanan."

Ngayon ko na realize, yun pala yung pagkakaroon ng isang matibay na misyon na tatahakin sa buhay. Pagiging "focus" sa ating misyon. Dapat diretso, dapat sa iisang direksyon. dapat hindi ka pasisilaw sa mga nakapaligid sa yo na magliligaw lang sa dapat mong puntahan. Ano nga ba ang sabi nila Rick Warren (Purpose Driven) at ni Napoleon Hill (Magic Ladder to Success) ang buhay dapat "purpose driven" at dapat may "definite aim in life"....

sa isang munting pangarap magsisimula....

"huwag ka nang malungkot
batang buraot
kabuhayan mo may galing sa pamumulot
basta nabubuhay sa Diyos ay may takot
magsumikap at magtiyaga upang ikaw ay may maabot!"
(sdc08)

Nalala ko noong nabubuhay pa ang tatay ko, parati niyang sinasabi sa ming magkakapatid na " Hindi kasalanan o kakulangan ng isang bata kung ipanganak siyang mahirap, ang malaking kasalanan ay yung mamatay syang mahirap pa rin!". Oo nga at namantay siyang mahirap, nanatili pa rin sa diwa at isip naming magkakapatid ang pagsusumikap, pagtyatyaga at paniniwala na hindi kasalanan ang maging mahirap. At lalong hindi handlang ang pagiging mahirap para mangarap at balang araw magtagumpay.