Napakahiwaga ng buhay ng tao. Hindi mo alam kung hanggang kailan ka o kailan ka magpapaalam sa iyong mga mahal sa buhay. Ang masakit ay yung katotohanang hindi ka ka mismo makakakapagpaalam. Merong nagsasabi na kahit paano nakatanggap sila na indirektang pagpapaalam, ngunit hindi kagaya ng paalam na isang taong may pupuntahan lang. Isang kahiwagaan ay kung paano tayo kukunin ng Panginoon. Merong biglaaan na lang, meron biglaan at masakit, merong matagal at masakit. May tyuhin ako masaya at malakas pa pagkalipas ng isang gabi inatake sa puso. May tyahin ako matagal na ininda ang sakit dahil sa cancer hanggang isang araw binawian na lang. May pinsan ako ilang beses nadisgrasya sa motor pero nakakaligtas, pero minsang naglalakad ay nasagasaan at namatay ng bigla. Mayrong bata pa at merong matanda na. Isang bagay ang pumasok sa isip ko: ang kamatayan ay hindi natin alam at kahit kailan ay hindi kayang pigilan. Darating sya na parang magnanakaw sa gabi na hindi natin alam kung kailan. Madalas na dumarating na hindi tayo handa. At yun ang nagiging kahinaan natin ang pagiging hindi handa. Ngayon ko naisip na maaring mamaya o bukas o sa isang araw ay mamatay na ako. At kailangan kong maging handa at gawin ang dapat gawin. Sabihin ang dapat sabihin. Patawarin at humingi ng tawad sa mga taong may hindi pagkakaintindihan. Ang pinakamahalaga ay tangapin ang Panginoon ng buong puso bilang tagaligtas.