Panginoon pagpalain nyo po ako upang makatulong ako sa aking kapwa
Palakihin nyo po ang aking nasasakupan upang marami akong matulungan
Maging mabuting tagasunod nyo po ako upang hindi ako makasakit ng aking kapwa at hindi ako masaktan
Maging halimbawa po sana ako lagi ng inyong pagpapala.
Panginoon huwag nyo po sana akong bibigyan ng malaking bahay kung marami sa aking kapatid ay natutulog sa bahay na may butas na bubungan o sa kalsada na walang tiyak na masisilungan.
Huwag nyo po akong bigyan ng masarap na pagkain kung ang aking kababayan ay nakukutento na sa pagpag o limos ng kapitbahay.
Huwag nyo po ako bigyan ng magagandang damit kung ang aking kababayan ang di makapagpalit ng madungis at iisa nyang kasootan.
Huwag nyo po sana akong bigyan nga magarang sasakyan kung marami sa aking kapatid ang hindi man lang makabili ng pansapin sa kanilang talampakan.
Huwag nyo po sana akong bigyan ng malaking kumpanya kung sarili ko lang ang makikinabang at magpapasasa ng aking kayamanan. Huwag mong itulot na maging kapitalista ako na hindi kayang tugunan ang pangangailangan ng maliit kong manggagawa.
Ang panalangin ko Panginoon ay bigyan mo ko ng tama lang, tama lang para sa aking sarili at pamilya. Tama lang para makatulong ako sa aking kapatid. Makatulong, kesa ako ang tulungan. Ayokong maging mataas dahil baka hindi ko na maabot ang mga nasa ibaba. Ayokong masyado lumayo ang pagitan namin ng aking kapatid na hikahos dahil baka hindi ko na sila maabot. Hayaan mong nararamdaman ko sila para maramdaman kong IKAW ay aking laging kasama.